Thursday, September 4, 2014

Isang Masayang Panaginip


Isang Masayang Panaginip

Mula nang sinabihan kami ng aming guro sa asignaturang Retorika na magsulat at magkuwento ang aming panaginip, lagi na akong ginagabi sa pagtulog. Inisisip ko kung ano ang aking magiging kwento paggising kinabukasan. Sana lang hindi ko makalimutan ang aking magiging panaginip.

Alas tres palang nang madaling araw, napabangon na ako hindi dahil sa tahol ng aso o tunog ng alarm clock, napabangon ako dahil kailangan kong isulat ang kwento ng aking napanaginipan nangangamba kasi ako na, baka sa muli kong paghiga at pagtulog ay hindi na ako muling makabuo ng panaginip.

Sa loob ng aking panaginip, isa raw akong mayaman, may malaking bahay, maraming sasakyan, pera at ari-arian. Masarap ang mga kinakain, nakahiga sa malambot na kama, halos pakiramdam ko nasa akin na ang lahat maliban sa isang bagay, ang bagay na hindi nabibili ng pera, ang anak. Kaya tinanong ko ang aking asawang nakaupo sa sala “ano kaya ang problema bakit hindi ka pa rin tayo nakakabuo” ngunit napayuko lamang siya. Kaya muli ko siyang kinausap “ano kaya kung mag-ampon na lamang tayo ng isang bata, para magkaroon ng instant kuya ang ating magiging anak pagdating nang araw”. Nakita ko ang pagliwanang ng kanyang mukha napangiti, tanda nang pagsang-ayon sa aking tinuran.

Habang ako binabagtas ko ng kotse ang kahabaan ng trese. Natanaw ko ang isang batang umaatungal sa pag-iyak, mag-isa at nanlilimahid sa rumi. Kaya pinara ko muna ang kotse at bumaba. Nilapitan ko ang gusgusing paslit, maaninag ko pa rin ang maamong mukha sa kabila ng maruming itsura. Inabutan ko siya ng isang pirasong tsokolate. Siya ay napalingon at medyo tumigil sa pag-iyak, agad kinuha ang tsokolate na parang isang lingo nang hindi kumakain, hindi man lamang naalalang nagpasalamat. Kaya tinanong ko siya “ano pangalan mo, tagsaan ka, ano pangalan ng mga magulang mo”, ngunit wala ni isa siyang sinagot sa mga tanong ko, abala sa pagbukas ng tsokolate. Kaya muli kong tinanong “gusto mo bang sumama na lamang sa amin”. Atubiling tumayo ang bata at sumama sa akin sa aming bahay.

Tuwang-tuwa ang aking asawa dahil mayroon na raw anghel sa loob n gaming bahay. Mayroon na siyang makakasama sa tuwing wala ako. Sobrang saya rin ang aking nararamdaman, para bang ramdam na ramdam ko na totoong nasa akin na ang lahat.

Napadilat na lang akong may ngiti pa rin sa aking labi. Paglingon ko sa aking tabi wala pa rin ang aking asawa. “kumusta kaya siya sa Ireland” bulong ko sa aking sarili. Siguro nga missed na naming ang isa’t isa. Marahil naaalala niya ako sa kasalukuyan. Kaya naisip na lamang na “kailan kaya kami magkakaanak”. Sa ganda ng aking panaginip hindi na ako nag-atubiling bumangon upang isulat ang boud ng aking panaginip. Isang masayang panaginip.

Panaginip Lang Pala


Panaginip Lang Pala

Mag-aala una na nang madaling-araw. Eto pa rin ako hindi mapakali, biling dito, biling duon, hindi ko maintindihan kung bakit pati ang tatlong taon kong unan na ginagamit gabi-gabi ay sinisisi ko kung bakit hindi ako dalawin ng antok. Marahil dahil hindi na ito kasing-lambot gaya nang dati, samahan pa nang medyo mag-iisang linggo nang hindi nalalabahan. Kung magkakapagsalita lang siguro ito, kung ano-anong salita na ang maririnig ko.

Pagpatak nang alas-dos nakakaramdam na ako ng antok, sunod-sunod na ang hikab na halos ikapunit na aking bibig. Ang aking mga mata ay unti-unti nang bumabagsak at pakiramdam ko ay hinahatak na ako sa kawalan.

Biglang tumahol ang aking alagang asong si Sassy. Si Sassy ay isang asong may lahing Chow-chow at Siberian Husky, sa kulay niyang puti ay lagi siayang napagkakamalan asong lobo. Pagkarinig ko nang kanyang sunod-sunod na tahol, bumaba ako upang alamin kung ano ang problema. Ikot siya nang ikot sa kanyang kulungan, gusto niyang makalabas, tila ba meron siyang kaaway. Sinubukan ko siyang pakalmahin ngunit hindi pa rin siya mapigil sa patahol, kaya pinakawalan ko siya sa kanyang bahay. Dali-dali siyang tumalilis papunta sa likurang bahagi na bahay. Sinundan ko siya at duon ko nakita ang isang malaking ahas. Napakalaki tila ba kasing-laki nang nasa pelikulang anaconda. Humihiyaw ako nang tulong upang magising ang kapitbahay ngunit tila ba ako lamang ako nakakarinig ng aking boses. Habang kinakahol ni Sassy ang ahas kumuha akong kang kahoy na may pakong dalawang pulgada ang haba hinampas ko ito sa ulo, sa katawan, sa buntot at ito ay namatay. Nanginginig ang buo kong katawan habang hinahatak ko ang patay na ahas patungo sa isang malalim na hukay.  Ngunit bigla itong nabuhay at akma akong tutklawin, buti na lang at ako ay mabilis na nakaiwas. Muli akong tutuklawin kaya agad akong bumalikwas at nahulog sa kama, nagising at bumalik ako sa reyalidad. "hay, salamat panaginip lang pala". Paglingon ko sa aking orasan alas-syete na. Kailangan na namang mag-madali dahil mahuhuli na naman sa ako sa aking klase. Umaatikabo na naming sermon ang aabutin kay Ma'am. Muli akong nag-ala ninja sa kilos, at nang palabas na ako ng pinto. Laking gulat ko dahil hindi ko mahawakan ang pintuan. Kaya muli akong natakot.

Pero buti na lang, panaginip pa rin ang lahat, nagkaroon pala ako ng dalawang magkasunod na panaginip. Kasi nang tunay na akong magising mag-aalas singko pa lang, kaya may isang oras pa ako, para baguhin ang mga naunang panaginip. Akala ko nuong una, totoo na. Panaginip lang pala.

Hudas Not Pay


Hudas Not Pay


Malayo pa lamang ako ay tanaw ko na ang haba nang pila ng mga estudyanteng nag-aabang ng jeep na masasakyan patungong Dasmarinas. Magkahalong tuwa at inis ang aking naramdaman habang papalapit ako sa dulo ng pila. tuwa dahil sa wakas, nagkaroon din ng maayos na sistema para sa pila ng mga pasahero. hindi tulad nang nakagawiang unahan, siksikan, tulakan at minsan umaabot pa nang balyahan. Nakakainis, dahil tiyak aabutin ako ng siyam-siyam sa haba ng pila. Pagkatapos nang maghapong aralin, isama mo pa ang dalawang magkasunod kong pag-uulat sa asignaturang English100 at English 85, ang pag-ayat panaog mula sa ika-apat na palapag ng gusali ng College of Nursing, idagdag mo pa ang humigit-kumulang dalawampung minutong lakarin mula Unibersidad ng Cavite hanggang sa pilahan. Mabuti na lang at makulimlim hindi masyadong mainit, kapag nagkatoon hindi lang pagod ang aking mararanasan, baka nanggigitata na rin ako sa pawis.

Makalipas ang tatlumpung minuto, masasakay na rin ako, sa isip- isip ko, maiuunat ko na rin ang ngalay kong binti, makaksandal sa malambot na upuan. Sa aking pagsampa, agad akong humanap nang komportableng mapupuwestohan. Mas pinili kong uumupo sa tabi ng bintana upang makalanghap ng sariwang hangin, makapagmasid sa paligid. Habang binabaybay namin ang daan papuntang Trese Martires, naisipan kong pumikit upang maipahinga ko rin ang aking mata, at ako nakaidlip.

Sa kasagsagan nang aking pagkakatulog, bigla na lang akong naalimpungatan sa malakas na boses ni mamang drayber, "magbayad na ang hindi pa nakakapagbayad". Pakiramdam ko ay bahagya palang akong nakakidlip nabulabog pa, sa isip-isip ko "para naman, tatalon ang mga pasahero niya para lang hindi makapagbayad", wala na rin akong nagawa kundi ang tuluyan nang gumising at dumukot ng labing-walong pisong pambayad.

Sa hindi sinasadyang paglingon ko ay nakita ko ang karatulang may nakasulat na katagang "Hudas not pay", sa likurang bahagi ng drayber. Napangiti na lamang ako, dahil mayroon akong naalalang tao na may kaugnayan sa salitang hudas. Tandang-tanda ko pang ang kapitbahay naming matandang dalaga. Madalas namin siyang gulatin, napapasigaw siya ng "hudas, barabas, hestas", sabay habol sa amin at kapag kami ay naabutan matinding pinong-pinog kurot sa singit an gaming matitikman.

Habang nakalutang pa rin ang aking utak sa mga alaala ng kalokohan, eto na naman si mamang drayber sumisigaw na naman "bumaba na ang taga- De fuego". Bigla akong bumalik sa ulirat pababa na pala ako. Bago tumalilis papalayo ang sinakyan kong jeep. Muli kong hinabol nang tingin at nagpasalamat. Hindi lamang dahil nakauwi ako nang ligtas, dahil na rin sa kabila ng pagod katawan at utak napangiti niya pa rin ako dahil sa "Hudas not pay".