Hudas Not Pay
Malayo pa lamang ako ay tanaw ko na ang haba nang pila ng
mga estudyanteng nag-aabang ng jeep na masasakyan patungong Dasmarinas.
Magkahalong tuwa at inis ang aking naramdaman habang papalapit ako sa dulo ng
pila. tuwa dahil sa wakas, nagkaroon din ng maayos na sistema para sa pila ng
mga pasahero. hindi tulad nang nakagawiang unahan, siksikan, tulakan at minsan
umaabot pa nang balyahan. Nakakainis, dahil tiyak aabutin ako ng siyam-siyam sa
haba ng pila. Pagkatapos nang maghapong aralin, isama mo pa ang dalawang
magkasunod kong pag-uulat sa asignaturang English100 at English 85, ang
pag-ayat panaog mula sa ika-apat na palapag ng gusali ng College of Nursing,
idagdag mo pa ang humigit-kumulang dalawampung minutong lakarin mula
Unibersidad ng Cavite hanggang sa pilahan. Mabuti na lang at makulimlim hindi
masyadong mainit, kapag nagkatoon hindi lang pagod ang aking mararanasan, baka
nanggigitata na rin ako sa pawis.
Makalipas ang tatlumpung minuto, masasakay na rin ako, sa
isip- isip ko, maiuunat ko na rin ang ngalay kong binti, makaksandal sa
malambot na upuan. Sa aking pagsampa, agad akong humanap nang komportableng
mapupuwestohan. Mas pinili kong uumupo sa tabi ng bintana upang makalanghap ng
sariwang hangin, makapagmasid sa paligid. Habang binabaybay namin ang daan
papuntang Trese Martires, naisipan kong pumikit upang maipahinga ko rin ang
aking mata, at ako nakaidlip.
Sa kasagsagan nang aking pagkakatulog, bigla na lang akong
naalimpungatan sa malakas na boses ni mamang drayber, "magbayad na ang
hindi pa nakakapagbayad". Pakiramdam ko ay bahagya palang akong nakakidlip
nabulabog pa, sa isip-isip ko "para naman, tatalon ang mga pasahero niya
para lang hindi makapagbayad", wala na rin akong nagawa kundi ang tuluyan
nang gumising at dumukot ng labing-walong pisong pambayad.
Sa hindi sinasadyang paglingon ko ay nakita ko ang
karatulang may nakasulat na katagang "Hudas not pay", sa likurang
bahagi ng drayber. Napangiti na lamang ako, dahil mayroon akong naalalang tao
na may kaugnayan sa salitang hudas. Tandang-tanda ko pang ang kapitbahay naming
matandang dalaga. Madalas namin siyang gulatin, napapasigaw siya ng
"hudas, barabas, hestas", sabay habol sa amin at kapag kami ay
naabutan matinding pinong-pinog kurot sa singit an gaming matitikman.
Habang nakalutang pa rin ang aking utak sa mga alaala ng
kalokohan, eto na naman si mamang drayber sumisigaw na naman "bumaba na
ang taga- De fuego". Bigla akong bumalik sa ulirat pababa na pala ako. Bago
tumalilis papalayo ang sinakyan kong jeep. Muli kong hinabol nang tingin at
nagpasalamat. Hindi lamang dahil nakauwi ako nang ligtas, dahil na rin sa
kabila ng pagod katawan at utak napangiti niya pa rin ako dahil sa "Hudas
not pay".
No comments:
Post a Comment